-- Advertisements --

Nagbaba umano ng kautusan ang NBA sa lahat ng 30 koponan na isara muna ang kanilang mga practice at training facilities sa mga players at staff bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Batay sa memorandum, hindi rin papahintulutan ang mga players na mag-work out sa mga public gyms, maging sa mga unibersidad upang mabawasan ang panganib na mahawaan ng sakit.

Magiging epektibo umano ang kautusan sa Sabado (oras sa Pilipinas), at nakadepende sa liga kung kailan ito babawiin.

Patuloy din ang paalala ng NBA sa kanilanig mga players na hangga’t maaari ay manatili lamang sa kanilang mga tahanan, at lumabas lamang kung kailangang bumili ng pagkain o gamot.

Una rito, nananatiling tikom ang bibig ng pamunuan ng NBA sa kung kailan babalik ang kanilang operasyon.

Pinag-iisipan na rin ng liga ang ilang mga opsyon sakaling magpatuloy nang muli ang season, gaya ng mas maikling regular season at playoffs.