-- Advertisements --

Humarap sa korte si NBA legend Michael Jordan noong Lunes (Martes sa Pilipinas) habang nagsimula na ang jury selection para sa kanyang federal anti-trust lawsuit laban sa NASCAR.

Nabatid na si Jordan, na co-owner ng 23XI Racing team sa NASCAR Cup Series, ay naghain ng kaso kasama ang Front Row Motorsports noong nakaraang taon matapos tanggihang pirmahan ang kasunduan sa bagong NASCAR charters.

Ayon sa kanilang reklamo, pinatatakbo nina NASCAR at CEO Jim France ang game nang walang transparency kung saam umano pumipigil sa kompetisyon para sa sariling kapakinabangan na maaari aniyang makapinsala sa team owners, drivers, sponsors, partners, at fans.

Kasama sa mga akusasyon ang pagbili ng NASCAR sa karamihan ng pinakamagagandang racetracks para sa eksklusibong NASCAR events, pagpataw ng exclusivity deals sa mga NASCAR-sanctioned tracks, pagbili sa stock car competitor ARCA, pagpigil sa mga team na sumali sa ibang stock car races, at pagpupumilit na bumili ng parts mula sa iisang supplier na pinipili ng NASCAR.

Sa isang pahayag, sinabi ng 23XI Racing at Front Row Motorsports na walang ibang malalaking professional sports sa North America ang pinamumunuan ng isang pamilya na pinayayaman ang sarili sa pamamagitan ng uri ng unchecked monopolistic practices.