-- Advertisements --
image 42

Inalmahan ni National Youth Commission Chairman Ronald Cardema ang pag-uugnay ng ilang grupo sa isyu ng hazing sa mga panukalang ibalik ang Reserve Officer Training Corps (ROTC) para sa mga kabataan.

Ayon kay Cardema, walang kredibilidad ang mga leftist na magsalita laban sa fraternity hazing at kumontra sa ROTC, lalo’t ang mga makakaliwang ito ay hindi magawang magsalita laban sa New People’s Army youth recruitment.

Kung saan malinaw na mas marahas pa ang mga ginagawang pamumundok, pang-a-ambush at pagpatay sa mga pulis, sundalo at kapwa Pilipino.

Kung siya umano ang tatanungin, doon sa 110 taon ng ROTC sa Pilipinas, isa lang ang namatay at isolated pa, dahil hindi naman talaga parte ng training nung namatay ang biktima.

Giit pa ni Cardema, pina-abolish ang itinuturing na backbone ng reserve force ng republika base lamang sa maling mga bintang.

Kaugnay nito, umangal ang National Youth Commission chief sa kulang na paghihigpit sa fraternity hazings, kung saan kada taon na lang halos may mga biktima at ang iba ay namamatay pa sa initiation ceremonies, ngunit hindi ito napapahinto.

Malinaw naman aniya sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Act of 2018 ang mga paghihigpit, pero hindi lang ganap na naipapatupad at napapag-usapan lang uli kapag may namamatay.

Para sa opisyal, kung ganun katatapang ang mga sumasali sa fraternity, dapat ganun din sila sa mandatory military at disaster preparedness training.

Sa Singapore, South Korea at Israel nga aniya, mandatory military training, naco-convert ang tapang at yabang sa pagpapalakas ng bansa. Dito tapang at yabang sa hazing, pero sa ROTC/military training ayaw naman.

Pahayag pa nito, habang ipinananawagan nila ang mahigpit na pagkontra sa hazing, ganun din naman sila kontra sa NPA leftist indoctrination at recruitment sa schools, na walang tigil at maraming kabataan ang napapahamak.