-- Advertisements --

Umakyat na sa anim na indibidwal ang nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Dante sa bansa.

Ito ay batay sa ulat na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kung saan dalawa ang iniulat na sugatan at tatlo ang nawawala.

Nadagdag sa bilang ng mga iniulat namatay ang isang 49-anyos na lalaki na tinangay ng baha ang sasakyan sa Hinobaan, Negros Occidental; at isang 51-anyos na lalaki sa Dumanjug, Cebu na tinangay ng baha habang inililigtas ang kanyang kalabaw.

Una nang inulat kahapon ang pagkasawi ng apat na indibidwal sa Region 11 at Region 12 dahil sa baha.

Wala namang nadagdag sa mga iniulat na nasaktan kahapon at nananatili ito sa dalawa na naitala sa Brgy. Macangao sa Region 11.

Nabawasan naman ang bilang ng mga nawawala mula sa pito kahapon na ngayon ay tatlo na lang, matapos na matagpuan ang apat na mangingisda sa Pilar, Capiz na pumalaot sa kasagsagan ng bagyo.

Ang tatlong nawawala pa rin at patuloy na subject ng search and rescue operations ay ang dalawang lalaki na tinangay ng flashflood sa Calubian Leyte; at isang lalaki sa Maco, Davao de Oro.