Nangalampag si Sen. Imee Marcos sa gobyerno na resolbahin ang sigalot sa negosasyon sa pagitan ng mga komunidad ng mga tribong apektado ng Kaliwa Dam project, bunsod ng nararanasang kakulangan sa suplay ng tubig at paghahanap ng pangmatagalang solusyon dito para sa Metro Manila at mga kalapit lungsod.
Binigyang-diin ni Marcos na sa kabila ng mga pag-ulan sa nakalipas na buwan, patuloy sa pagbaba ang suplay ng tubig sa Angat Dam na mas mababa na sa 180 meters minimum operating level nito mula pa nuong Huwebes, malayo sa highest level nito na 204.5 meters na naitala noong Enero.
Babala ni Marcos, kapag hindi nagtuloy-tuloy ang pag-ulan posibleng masagad ang suplay ng tubig sa Angat Dam sa critical level nito na 160 meters pagsapit ng Nobyembre.
Umapela rin ito sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na makipagtulungan sa mga isinasagawang pagdinig hinggil dito.
Bilang chairperson ng Senate committee on cultural communities, nakapagtakda na si Marcos ng mga pagdinig hinggil sa naturang usapin.