BOMBO DAGUPAN – Inaabangan na ng bayan ng Sta. Maria ang pagdaraos ng Mushroom Festival 2024 na magaganap sa Ika-14 hanggang ika-27 ngayong buwan.
Sa panayam na Bombo Radyo Dagupan kay Irma Baltero, ang Head ng Municipal Agriculture Office sa nasabing bayan, isa sa mga inaabangan dito ay ang pagsasagawa ng Cookfest kung saan ito na ang pang-limang taong pagsasagawa nito.
Isa sa kanilang itatampok ay ang kanilang One Town, One Product na Kabute.
Nakatakdang magpakitang gilas ang nasa 23 barangay sa bayan kung saan ipapakita nila ang iba’t ibang klaseng dish na ang pinaka main ingredient ay ang mushroom o kabute na tinatawag na kabuteng pamaypay na ekslusibong pinapalaki sa pasilidad ng Municipal Agriculture Office sa patuloy na suporta ng kanilang alkalde na si Mayor Julius Ramos.
Ibinahagi pa nito na ang gagamitin na kabute sa pagluluto sa kompetisyon ay ibibigay ng kanilang tanggapan.
Bawat barangay ay bibigyan ng isang kilo ngunit dapat ang mga makikilahok ay residente mismo ng lugar.
Aniya na mandatory umano ang pagsali ng bawat barangay na sakop ng bayan upang maganda ang magiging partisipasyon dito sa kapistahan.
Inilatag pa nito ang ilang mga alituntunin sa nasabing paligsahan.
Samantala, ayon naman kay PCpt. Landro Velasquez, ang Chief of Police, Sta. Maria Police Station, inaasahang dadagsa ang mga tao kaya’t pinaghahandaan nila ito sa pamamagitan ng pagpupulong kasama ang mga Barangay Officials at magrerequest umano sila ng augmentation sa kalapit na bayan mula sa ika-6 na distrito.
Magkakaroon din aniya ng parada sa kanilang kapistahan kaya’t magkakaroon ng rerouting sa mga kakalsadahan.