Kasabay ng unang araw ng Abril, naitala ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang single-day record high ridership na papalo sa halos 300,000.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3, kabuuang 293,290 passengers ang naserbisyuhan ng naturang linya ng tren noong Miyerkules matapos magpatuloy ang operasyon noong Hunyo 1, 2020 dahil pa rin sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa Facebook post, sinabi ng MRT-3 na ang mataas na bilang ng mga pasahero ay dahil pa rin sa “Libreng Sakay” program at ang mas maraming bilang ng mga tumatakbong train sets matapos ang rehabilitasyon.
Bago ang pandemic, ang MRT-3 ridership ay pumapalo sa 250,000 hanggang 300,000 passengers kada araw.
Tuwing rush hour, nasa 18 three-car trains sets at two four-car train sets ang tumatakbo sa MRT-3 at mayroon namang 18 hanggang sa 21 train sets ang tumatakbo sa ano mang oras.
Mas mabilis na rin ang takbo ng MRT-3 trains na 60 kilometers per hour (kph) mula noong December 2020 mula sa dating 40 kph.
Naibaba naman ang average waiting time sa bawat station ng 3.5 hanggang apat na minuto mula sa dating 8.5 hanggang siyam na minuto.
Patuloy pa rin naman ang paalala ng pamunuan ng MRT na sumunod ang mga pasahero sa minumum health at safety protocols gaya ng hindi pagsasalita, bawal kumain, at ang mandatory na pagsusuot ng face masks sa loob ng tren.
Nagsimula ang libreng sakay sa MRT-3 noong Marso 28 kasabay ng kaarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte at magtatagal ito hanggang Abril 30.
Kaugnay nito, sinabi naman ng Department of Transportation (DoTr) na pinag-aaralan nila ang pagpapalawig pa ng dalawa hanggang sa tatlong buwan ang naturang programa o ang libreng sakay.