Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) na may libreng sakay sa Metro Rail Transit 3 (MRT-3) ang lahat ng mga official tournament workforce at volunteers para sa FIFA Futsal Women’s World Cup kung saan host ang Pilipinas.
Ayon sa DOTr, na magsisimula ang libreng sakay mula Nobyemre 12 hanggang Disyembre 7, 2025 bilang suporta sa nasabing torneo.
Nakasaad sa Office Order 2025-0826 na pirmado ni DOTr MRT-3 General Manager Michael J. Capati, na kailangan lamang magpakita ng kanilang FIFA accreditation passes ang mga volunteers at workforce para maka-libre ng sakay.
Bibigyan ang mga ito ng magnetic single journey tickets (SJT) para sa mga may libreng sakay at kanila itong iiwan sa nakatalagang kahon sa kanilang paglabas.
Inatasan din nila ang mga station supervisors na ianunsiyo ang nasabing libreng sakay sa sa MRT-3.
Mayroong 16 na koponan mula sa iba’t-ibang bansa ang lalahok sa kauna-unahang FIFA Futsal Women’s World Cup 2025 na magsisimula mula Nobyembre 21 hanggang Disyembre 7, 2025.
















