CAUAYAN CITY – Patay ang isang motorista matapos maaksidente sa pambansang lansangan sa barangay Palattao, Naguillian,Isabela.

Ang namatay ay si Rolly Viernes, 38 anyos at residente ng Roxas, Naguilian, Isabela.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Naguillian Police Station na mabilis na pinapatakbo ng biktima ang minamanehong motorsiklong patungong timog na direksiyon at pagsapit sa pakurbadang daan sa barangay Palattao ay natumba ang motorsiklo .

Ang biktima ay nahulog sa matarik na daan sanhi para magkaroon ng malalang sugat sa kanyang ulo at katawan na nagdulot ng kanyang agarang kamatayan.