CAUAYAN CITY – Tuluyang napatay sa police operation matapos umanong manlaban ang isang magsasaka na No. 10 most wanted person sa provincial level dahil sa kasong pagpatay sa isang barangay kapitan at dalawang barangay kagawad.

Ang napatay ay si Antonio Garro, residente ng San Antonio, Cabagan, Isabela.

Bago isinagawa ang operasyon ay isinailalim sa surveillance ang akusado sa pagpatay kina Barangay Kagawad Balisi ng San Antonio, Cabagan, Isabela noong Hulyo 2019; at kina Barangay Kapitan Ramento at barangay Kagawad Padre ng Sto. Tomas, Isabela noong Agosto 2019.

Pagkakita umano ng akusado sa operating troops na papunta sa kanilang bahay ay tumakbo siya sa loob, kinuha ang kanyang baril at pinaputukan ang mga pulis.

Sa pagganti naman ng kapulisan ay nabaril at napatay si Garro.

Nakumpiska sa bahay ng akusado ang dalawang mataas na uri ng baril, mga magazine at maraming bala ng M16 at 9MM.

Isasailalim sa paraffin test ang akusado habang ang mga narekober na baril at bala ay dadalhin sa Crime Laboratory ng Philippine National Police para sa pagsusuri.