Pinayuhan ng isang eksperto ang pamahalaan na agapan na ang pagtugon sa Omicron variant ng COVID-19, sa pamamagitan ng mga angkop na gamot na available na sa ilang bansa.
Ayon kay Dr. Joel Santiaguel, clinical investigator ng Quirino Memorial Medical Center, dapat ngayon pa lang ay mag-secure na ang gobyerno ng kinakailangang dami ng gamot at huwag nang hintaying magkaroon pa ng surge.
Paliwanag ni Santiaguel sa panayam ng Bombo Radyo, kung ang bakuna ay may pagkakataong humihina laban sa ilang variant, kagaya ng Delta at Omicron, ang gamot naman na tulad ng Molnupiravir at iba pa ay tinatarget ang mismong sentro ng virus, kaya hindi nagbabago ang kalidad nito kahit may mga bagong variant na lumalabas.
Sa mga naisagawang clinical trial, nakita ang mataas na effectivity rate nito para sa pasyenteng may COVID-19.
Maging sa United Kingdom, nabigyan na umano ito ng approval upang magamit sa kanilang bansa.
“Nakita po sa United Kingdom na epektibo ito, kaya sila na mismo ang isa sa mga unang nag-apruba para sa clearance ng gamot,” wika ni Santiaguel.
Nabatid na maging ang Singapore at ilang pribadong kompaniya ay nag-order na rin ng dagdag na Molupiravir, bilang paghahanda sa posibleng panibagong spike ng mga nagpopositibo sa deadly virus.