-- Advertisements --

Lumalabas ngayong isa palang drug courier ang modelong nanakit ng traffic enforcer sa Maynila nitong nakalipas na araw.

Ito ay ayon kay PLTCOL. Rosalino Ibay, Jr., hepe ng Special Mayor’s Reaction Team (SMART) sa City of Manila.

Kasunod ito ng pagkakaaresto ng mga pinaniniwalaang kasamahan ng model sa isinagawang operasyong pinangunahan ni Ibay sa Cecelia Muñoz St, Ermita , Manila kung saan nakumpiska ang limang gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P34,000.

Kabilang sa mga naaresto sina Rendor Sanchez; Leopoldo Salamero; Jason Dela at Marlon De Guzaman na pawang mga taga-Laguna.

Ang mga suspek ay dinala na sa Smart office para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.

Una rito, maliban sa assault person in authority, alarm and scandal at traffic violation dahil sa kawalan ng lisensya, may mga naungkat pa silang isyu sa suspek.

Nabatid na dalawang ID ang dala ng modelo, kung saan ang isang card ay may pangalang Pauline Mae Altamirano Salamero at sa ikalawa naman ay Maria Hola Sy.