-- Advertisements --

Nanawagan ang kampo ni Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez ng patas na pagtrato upang mabigyan sila ng sapat na pagkakataong sagutin ang anumang panibagong alegasyon laban sa kaniya.

Ito ay matapos pormal na maghain ang Office of the Ombudsman ng kasong plunder sa Sandiganbayan laban sa mambabatas kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyekto ng flood control.

Iginiit ni Atty. Ade Fajardo, legal counsel at tagapagsalita ni Romualdez, na nararapat silang abisuhan ng Ombudsman kung may pahayag si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan laban sa dating Speaker habang nasa preliminary investigation stage pa lamang ang kaso.

Hiniling din ng kaniyang legal na koponan na makita ang mga pahayag ng 28 bagong testigo ng Ombudsman upang pormal na makapagsumite ang mambabatas ng kaniyang kaukulang tugon at kontra-affidavit.

Nagsimula ang pagkakasangkot ni Romualdez sa kontrobersya noong Setyembre 2025 nang pangalanan siya ng ilang contractor at dating security personnel sa serye ng mga pagdinig sa Senado.

Ilang beses nang matinding itinanggi ng mambabatas ang mga ibinintang na kickback at iginiit na wala siyang kinalaman sa pagpapalabas ng pondo o sa pagpapatupad ng mga proyekto ng DPWH.

Muling binigyang-diin ng legal na koponan ni Romualdez na walang matibay at mapagkakatiwalaang testigo ang direktang nag-uugnay sa kaniya sa naturang anomalya sa flood control.