-- Advertisements --

Tiniyak ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority sa mga motorista na sumasailalim sa masusing beripikasyon ang lahat ng mga naitatalang paglabag sa trapiko kasabay ng muling pagpapatupad ng No Contact Apprehension Program.

Una nang ipinatupad ang naturang polisiya sa lahat ng mga pangunahing lansangan sa Metro Manila sa pamamagitan ng mga high-end na camera ng ahensya.

Ayon kay MMDA chief Romando Artes, aabot sa mahigit 8,000 na mga NCAP apprehensions ang kanilang naitala at nagresulta sa paglalabas ng notice of violation sa mga motoristang sangkot.

Sa kabila nito ay nilinaw ng ahensya na hindi awtomatikong natitikitan ang mga nakita sa CCTV na mga paglabag.

Sinabi ng ahensya na sa katunayan ay mula sa 8,586 na naitalang huli sa NCAP mula ng ipatupad itong muli ay aabot lamang sa halos kalahati o katumbas ng 4,100 na kumpirmadong huli.

Patunay lamang aniya ito na tinitiyak ng MMDA na tama ang huli nito bago mag-isyu ng notice of violation sa paglabag ng motorista.

Bukas rin ang MMDA sa lahat ng mga ideya at suhesyon para maging maayos ang pagpapatupad ng naturang programa at para narin sa ikabubuti ng transport sector sa bansa.