BUTUAN CITY – Patuloy pa rin sa kanilang pananampalataya ang mga miyembro ng Philippine Benevolent Missionaries Association, Inc. (PBMA), sa kabila ng pagkahuli ng kanilang supreme master na si dating Dinagat Island Representative Ruben Ecleo Jr., kahapon ng madaling araw sa Pampanga.
Ayon kay Daisy Lagrosa, 58-anyos at 44 taon nang miyembro ng nasabing non-sectarian and non-profit charitable religious fraternal organization Taligaman chapter nitong lungsod, 14-anyos pa lang siya nang maging miyembro ng PBMA.
Sa kabila ng pagkakahuli ng kanilang supreme master, nananatili namang normal aniya ang kanilang buhay dahil kung ano ang ibinigay sa kanilang batas ni Ecleo ay iyon pa rin ang kanilang susundin kung ito’y hindi labag sa batas ng bansa.
Sa ngayo’y mahigit 200 pa umano silang miyembro ng PBMA sa Butuan at nilinaw nito na hindi relihiyon ang PBMA, kundi organisasyon lamang na hindi nag-oobliga na sundin ang mga patakaran nito.
Kung maaalala, Abril 2012 o sampung taon matapos matagpuan ang bangkay ng kanyang asawang si Alona Bacolod-Ecleo sa loob ng isang kulay itim na garbage bag na itinapon sa pampang, hinatulang guilty si Ecleo Jr., sa kasong parricide at binabaan ng hukom na reclusion perpetua o hindi bababa sa 30 taong pagkakabilanggo.
Inatasan din siya na bayaran ang mga kaanak ng kanyang asawa ng P25 million bilang compensatory damages na katumbas sa dapat sana’y kinita ni Alona kung ito’y nakapagtapos pa at naka-practice ng medicine.
Nahaharap din ito sa 31 taong jail term matapos hatulang guilty ng Sandiganbayan sa tatlong bilang ng kasong graft noong siya’y mayor pa sa bayan ng San Jose, Dinagat Island.
Dahil naman ito sa sobra-sobrang bayad sa konstruksyon ng dalawang municipal buildings at dahil sa paggastos sa public funds para sa women’s center na pag-aari ng kanyang grupong PBMA.
Noong Hunyo 2002, umabot sa 23 katao ang patay sa isang gabing bakbakan nang aarestuhin na sana ng mga pulis ang lider ng PBMA sa isla hanggang sa sumuko na ang noo’y 47-anyos pa lamang na si Ecleo.
Naganap ang shootout sa pagitan ng mga pulis ng Police Regional Office-13 at ng mga sundalo ng 20th Infantry Battalion na may air support pa mula sa dalawang MG-520 helicopters na siya sanang magsisilbi kay Ecleo ng warrant of arrest dahil sa pagpatay nito sa kanyang asawang fourth-year medical student pa noong Enero 6 ng naturang taon.
Habang nagkagulo noon ang Dinagat island, binaril-patay naman ng ‘di kilalang armadong lalaki si Ben Bacolod, ang kapatid at tanging saksi sa pagpatay kay Alona, sa kanilang bahay sa Mandaue City, Cebu, kasama ang kanilang amang si Elpidio at inang si Rosalia.
Ayon sa mga nakasaksi, pinatay ang pamilya Bacolod sa pamamagitan ng automatic fire kung saan pareho silang binaril sa ulo at kasama pa sa napatay ang kanilang kapitbahay na si Engr. Paterno Lactawan.
Ang gunman na namatay sa bakbakan sa mga humahabol sa kanyang pulis ay nakilala kinalaunan bilang si Rico Gumonong, 28-anyos na kumpirmadong aktibong PBMA member at security guard ng Postal Bank ng Cebu City.