CEBU CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang misis dahil nambato umano ito ng humidifier sa isang promodiser sa loob ng isang mall sa Cebu City.

Nahuli ang suspek na si Medilina Berja Yamasaki, 33-anyos, matapos na mag-report sa Mabolo Police Station ang biktimang si Jennifer Fabillar, 26-anyos.

Makikita sa kumakalat na video sa social media na nagbangayan ang dalawang babae sa isang tindahan nang dahil daw sa palyadong tester ng humidifier.

Sa sobrang galit, binato ni Yamasaki ang humidifier at tumama ito sa kanang bahagi ng mata ni Fabillar.

Ayon kay Police Chief Master Sergeant Roland Camilo ng Mabolo Police Station, nagbanta rin si Yamasaki na papatayin daw ang promodiser.

Nagtamo pa ng sugat at pasa sa ibabang bahagi ng kanang mata ni Fabillar.

Dagdag ni Camilo, desididong maghain ng dagdag na kaso ang promodiser laban sa suspek bukod sa kasong physical injury.

Sa ngayon, nananatiling tahimik at hindi nagbigay ng pahayag ang suspek kasunod ng tensyon.