-- Advertisements --

Magbabalik na sa operasyon ang ilang mga mining companies na una nang sinuspinde noon ni dating Environment Sec. Gina Lopez dahil sa paglabag sa batas ng pagmimina sa bansa.

Ito ang kinumpirma sa pre-SONA forum ni Environment Sec. Roy Cimatu ng Climate Change Adaptation and Mitigation Cluster ng gabinete.

Sinabi ni Sec. Cimatu, dumaan sa tamang proseso ang mga ito bago payagang muling makapag-operate ang mga nasabing mining companies.

Ayon kay Sec. Cimatu, nagsumite ng motion for reconsideration sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga mining firms na nasuspinde kaya nagsagawa ng audit ang technical experts ng departamento, pinuntahan ang minahan at personal na ininspeksyon.

Inihayag ni Sec. Cimatu na 13 mining companies ang napunta sa auditing ng DENR at ang iba ay sa Office of the President (OP).

May mga rekomendasyon na umano silang ipinalabas para sa pagbabalik-operasyon ng ibang minahan lalo na ang mga nakasunod na sa hinihinging corrective measures habang ang iba ay hindi pa.

Tiniyak ni Sec. Cimatu na kailangan munang makita ang full compliance sa requirements ng mga nasuspindeng mining companies bago sila payagan ulit na makapag-operate.