Target ng House Prosecution Panel na buksan ang mga bank account ni Vice President Sara Duterte sa oras na magsimula na ang impeachment trial sa Senado.
Ayon kay House Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro, kabilang sa mga ebidensyang ilalatag nila sa Senate trial, na hindi pa naipakikita sa mga clarificatory hearing sa Kamara, ay ang mga dokumento mula sa mga bangko at testimonya ng mga opisyal nito.
Ipinaliwanag ni Luistro na naging maingat at konserbatibo ang kanilang hakbang noong una dahil batid nila ang mahigpit na confidentiality na nakapaloob sa Bank Secrecy Law.
Gayunpaman, binigyang-diin ng mambabatas na may mga exemption ang naturang batas kung saan pinahihintulutan ang pagbubukas ng bank records, partikular na sa mga kaso ng impeachment.
Kabilang din sa mga exemption ang nakasulat na pahintulot ng depositor, kautusan ng hukuman sa mga kaso ng bribery o dereliction of duty ng mga opisyal ng pamahalaan, at kung ang perang idineposito ang mismong paksa ng demanda.
Tiniyak ni Luistro na maghahain sila ng mosyon sa impeachment court para magpalabas ng subpoena laban sa mga opisyal ng bangko at para sa pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento.
Positibo naman ang komite na pagbibigyan ng Senado ang kanilang kahilingan.
Naniniwala rin ang pinuno ng House Committee on Justice na hindi na magiging mitsa ng mahabang debate ang pagbubukas sa mga naturang bank account dahil gagamitin ito sa isang opisyal na impeachment trial.
Samantala, tumanggi munang magbigay ng pahayag ang defense team ni VP Sara hinggil sa isyu habang nakabinbin pa ang pormal na pagsisimula ng paglilitis sa Senado.
















