Inaprubahan na rin ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang daily minimum wage sa mga manggagawa sa Region IV-A.
Ayon sa report ni Exequiel Ronnie Guzman, regional director ng Department of Labor and Employment (DOLE IV-A) may dagdag na P47 hanggang P97 ang matatanggap sa mga daily minimum wage earners.
Inaasahang aabot sa humigit kumulang sa anim na milyong mga manggagawa ang magbebenipisyo sa wage hike sa mga lugar ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Ang pay hike sa Calabarzon ay ibibigay sa dalawang tranches kung saan ang una ay pagkalipas ng 15 araw sa publication at ang ikalawa naman ay makalipas ang anim na buwan.
Samantala ang RTWPB sa Davao region ay nag-anunsiyo na rin sa pag-apruba ng P47 na taas sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa lahat ng sektor.
Ang resolution ng RTWPB ng Calabarzon at Davao region ay isusumite sa National Wages Productivity Commission para sa pag-review at pag-apruba.
Kaugnay nito, epektibo na rin ngayong araw ang dagdag-sahod na P33 para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Para sa mga non-agricultural sector tataas na sa P570 ang bagong arawang sahod sa rehiyon mula sa dating P537.
Sa service/retail establishments at manufacturing na may mas mababa sa 10 ang mangagawa na mayroong 15 manggagawa ay nasa P533 na ang arawang bagong sahod mula sa dating P500.
Sa bahagi naman Western Visayas o Region 6, epektibo bukas ang wage increase na P55 para sa non-agriculture sector na may mahigit 10 manggagawa kung kaya’t ang bagong arawang sahod ay P450 na mula sa kasalukuyang P395.
Para naman sa mga sektor na mas mababa sa 10 ang manggagawa, may dagdag sahod na P110 , kaya mula sa kasalukyang P310 tataas na sa P420 ang arawang bagong sahod.
Doon naman sa agriculture sector, may P95 increase kaya’t ang bagong arawang sahod ay nasa P410 mula sa kasalukyang P315.
Sa mga sektor na mayroong mas mababa sa 10 ang empleyado, maaring mag-request para exemption ng wage increase.