CAUAYAN CITY -Umaabot sa mahigit 2.4 million pesos ang halaga ng marijuana bricks na nasamsam ng mga otoridad sa naaksidenteng SUV sa barangay Bado Dangwa, Tabuk City, Kalinga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Col. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office na isang Toyota Fortuner na galing sa Upper Kalinga patungong Centro ng Tabuk City ang nasangkot sa aksidente sa pakurbadong daan sa Bado Dangwa.
Nabangga ng Fortuner ang isang motorsiklong minamaneho ni Adrian Pangiditan, 18 anyos, residente ng Bantay, Tabuk City na umokupa sa linya ng sasakyan sanhi para dumiretso at nahulog sa gilid na ibabang bahagi ng kalsada.
Nagtamo ng matinding sira ang nasabing sasakyan at noong tumugon ang mga pulis ay wala na ang nagmamaneho ng sasakyan at ang nadatnan na lamang ay ang tsuper ng motorsiklo na si Adrian Pangiditan na residente ng Bantay, Tabuk City na dinala sa pagamutan.
Habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis sa naaksidenteng sasakyan ay nakita sa loob nito ang mga bricks ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na binalot ng Diyaryo.
Ang dalawampong bricks nang pinatuyong dahon ng marijuana ay may timbang na 20 kilos at 400 grams.
Ang nagmamay-ari ng naturang sasakyan ay si Fernando Maccay, residente ng Buscalan, Tinglayan , Kalinga batay sa nakitang papeles na nakuha sa loob ng sasakyan.
May hinala ang pulisya na si Maccay mismo ang nagmaneho sa nasabing sasakyan at inihahanda na nila ang kaso laban sa kanya.