-- Advertisements --

Nilinaw ni Phil. Army 8th ID commander, Maj. Gen. Edgardo De Leon, na walang katotohanan ang ulat na nasawi sa pagsabog ng isang pumpboat kaninang madaling araw sa vicinity ng Brgy. Canhawan Guti, Catbalogan, Samar ang communist leaders ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon.

Sinabi ni De Leon, bagamat may natatanggap silang intelligence information hinggil sa presensiya ng mga top CPP-NPA-NDF leaders sa rehiyon hindi pa nila makumpirma na kasama sa sumabog na bangka ang dalawa.

Iniimbestigahan na ng militar at PNP ang insidente para alamin kung sinu-sino ang lulan sa sumabog na pumpboat na nakasagupa ng mga sundalo na binubuo ng composite team ng Army, Navy at Air Force.

Ayon kay Maj. Gen. De Leon, biniberipika pa ng militar ang ulat kung nasawi nga ba ang mag-asawang Tiamzon.

Sa ngayon aniya ay wala pang narekober na mga bangkay sa sumabog na banka.

Nagtataka din si De Leon kung saan nanggaling ang impormasyon na patay ang mag-asawang Tiamzon.

Posible din aniya na diversionary tactic ang pagsabog ng bangka, at may isa pang bangka na gamit ang mga kalaban para makatakas sa mga tropa.

Ibinunyag ni De Leon na ilang bahagi ng coastal areas ng Eastern Samar ay ginagamit na daungan at lagusan ng iligal na aktibidad ng mga communist terrorist groups.

Ayon pa sa heneral, ilang bahagi ng Catbalogan, Samar lalo na ang coastal waters nito ay ginagamit ng NPA para ibiyahe ang kanilang armas, bala, baril at mga sangkap ng pampasbog, anti-personnel mines at maging ang mga dinamita na gagamitin para sa iligal na pangingisda.