Ilang salon at baber shops ang natuklasang tambak ang violations sa unang dalawang araw pa lamang mula nang payagan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga ito na makapag-operate.

Ayon kay DTI Consumer Protection Group Undersecretary Ruth Castelo, kanilang ipasasara ang mga lumalabag sa health protocols para na rin sa kaligtasan ng mga costumer at maging ng mga tauhan ng establishimento.

Naglibot kanina ang team ng DTI sa Marikina City, habang may iba ring grupo na nag-monitor sa iba pang mga lugar.

Kabilang sa requirements sa mga ganitong establishimento ay thermal scanner, foot bath, distance markers, regular na pag-disinfect at protective equipments.

Aminado naman si Castelo na hindi nila mamo-monitor ang lahat ng puwesto ng mga salon at barber shops sa buong bansa kaya ang mga may makikitang paglabag ay maaaring tumawag sa kanilang DTI Hotline 134.