-- Advertisements --

LAOAG CITY – Ipinaalam ni Mayor Michael Marcos Keon na ilan sa kanyang mga tagasuporta ay hina-harass umano ng ilang Kapitan sa lungsod ng Laoag dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Aniya, habang nangangampanya siya sa iba’t ibang barangay sa lungsod, umiiyak na lumapit sa kanya ang ilang tagasuporta niya at sinabing may mga Kapitan na nagbabala sa kanila na manatili sa loob ng bahay at huwag makipag-usap sa kanya.

Sabi niya ay hindi maganda ang ginagawa nila sa mga residente lalo pa’t papalapit na ang botohan.

Paliwanag niya, nagpadala sila ng liham sa lahat ng mga Kapitan sa buong lungsod ng Laoag na nagpapahintulot sa kanila na mangampanya.

Una rito, nagkainitan sina Mayor Keon at Barangay Chairman Melecio Piñera ng Barangay 32-B, Lapaz, Laoag City sa kampanya ng Alkalde at ng kanyang team sa nasabing barangay.