KALIBO, Aklan—Nakakulong na sa Aklan Rehabilitation Center sa bayan ng Kalibo, Aklan ang tatlong suspek na nahaharap kasong physical injury matapos ang pambugbog sa anak at pamangkin ni senador Jinggoy Estrada sa isla ng Boracay nitong madaling araw ng Sabado.
Ayon kay PLt.Col. Mar Joseph Ravelo, hepe ng Malay Municipal Police Station, kaagad nilang naaresto ang mga sakot na indibidwal kung saan, natukoy ang mga ito sa pamamagitan ng mga cctv footages sa lugar.
Aniya, kaagad inaksyunan ng pulisya ang nangyari sa actor at recording artist na si Julian Estrada kasama ang kaniyang pinsan na kapwa nagtamo ng pasa at sugat sa pag-atake ng mga tatlong suspek na pawang mga residente ng isla ng Boracay.
Samantala, itinuturing naman ito ng Malay Municipal Police Station bilang isolated incident at hindi sumasalamin sa pangkalahatang kaayusan sa lugar.
Nanindigan din si P/Lt.Col. Ravelo na prayoridad nila ang kaligtasan ng mga turista at residente.
Tiniyak din nito na ipapatupad ang mga umiiral na batas laban sa mga lumalabag nito upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Boracay at buong bayan ng Malay.