-- Advertisements --

tawitawi

Nakatanggap ng medalya at pabuya mula sa Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalo ng Philippine Marines na bahagi ng operasyon noong Marso 21 sa Kalupag Island, Languyan, Tawi-Tawi kung saan apat na Indonesian hostages ng Abu Sayyaf ang naligtas.

Mismong si AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana ang naggawad ng Distinguished Navy Cross kay Col. Nestor Narag, Jr. , ang Deputy Commander ng Joint Task Force Tawi-Tawi.

Si Narag ang nagmando sa Fleet-Marine operation na nagresulta sa pagkakaligtas ng mga bihag at nutralisasyon ng Abu Sayyaf Group leader Majan Sahidjuan alyas Apo Mike at dalawa niyang tauhan.

Ginawad naman ang Silver Cross Medal sa Special Intelligence Team sa ilalim ng 2nd Marine Brigade na nag-supply ng impormasyon na nagresulta sa matagumpay na operasyon sa Kalupag Island, Languyan at Tandungan Island, at Tandubas, Tawi-Tawi.

tawitawi3

Ang awarding ceremony ay isinagawa sa Covered Court ng 2nd Marine Brigade headquarters sa Barangay Sanga-Sanga, Bongao, Tawi-Tawi kahapon, kung saan iniabot din ni Sobejana ang P2 milyong pisong gantimpala mula sa Pangulong Rodrigo Duterte sa mga operating units na responsable sa pagnutralisa kay Apo Mike.

Kasama ni Sobejana sa aktibidad sina WestMinCom Commander Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., Naval Forces Western Mindanao Commander Rear Admiral Toribio Adaci, Jr., at Joint Task Force Tawi-Tawi Commander Brig. Gen. Arturo Rojas.

Ayon kay Sobejana ang P2-million pesos na reward ay para sa unit na nag operate, bahala na ang commander nito kung paano nila gastusin at maari aniya gastusin para sa pagkain ng mga tropa.

Wala namang nakikitang mali si Sobejana sa pagbibigay ng monetary reward ng Pangulo sa mga tropa, dahil prerogative ito ng Pangulo ng bansa.

Isang malaking morale booster din ang reward para sa mga operating troops.