-- Advertisements --

Kinumpirma ni House prosecution legal spokesperson Atty. Jay Tolosa na naghain na siya ng kasagutan sa Senate Impeachment Court.

Ito ay kasunod ng show cause order na inilabas ng korte nitong nakalipas na lingo para sa dalawang miyembro ng House panel dahil sa umano’y paglabag nila sa sub judice rule.

Maging si Rep. Tery Ridon, ayon kay Tolosa, ay nakapagsumite na rin ng kaniyang kasagutan sa naturang korte.

Ayon pa sa abogado, hihintayin nila ang magiging ruling ng impeachment court sa Lunes, Sept. 21, at nakahanda ang panel sa anumang magiging desisyon ng korte.

Tiniyak din ng abogado na magiging maingat pa rin sila sa mga susunod na pahayag para matiyak na hindi nila malalabag ang mahigpit na panuntunan ng impeachment court.

Unang binigyan ng korte sina Atty. Tolosa at Rep. Ridon ng 24 oras para makapagsumite ng kanilang kasagutan sa show cause order na inilabas noong Sept. 16.