ILOILO CITY – Anim na mga pari ang dumagdag pa sa bilang ng mga namatay sa Italy dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Gabina Sumagpao direkta sa Rome, Italy, sinabi nito na ayon sa pahayag ng Italian Diocese, 20 na iba pang mga pari ang infected at nagpapagaling ngayon sa ospital.
Ayon kay Sumagpao, kabilang sa mga namatay ay si Rev. Giancarlo Nava, 70, dating missionary sa Paraguay.
Patay rin ang 59-anyos na si Rev. Silano Sirtoli.
Pahayag pa ni Sumagpao, aminado sa ngayon ang Italian Diocese na seryoso ang sitwasyon ngunit hindi ito nangangahulugan na separado na ang simbahan sa infected na komunidad.
Dahil wala nang espasyo sa mga hospital mortuary, binuksan ang simbahan upang pansamantalang himlayan ng mga bangkay na hindi pa nailibing.
Suspendido pa rin sa ngayon ang mga misa sa nasabing bansa dahil sa banta ng coronavirus disease 2019.
Sa ngayon, tinatayang nasa 3,000 na ang patay at 26,000 naman ang infected ng covid-19 sa Italy.