Bitin ang mga senador sa naging takbo ng hearing ngayong araw ukol sa COVID-19 vaccine na bibilhin ng gobyerno ng Pilipinas.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, marami pa silang nais itanong sa mga kinatawan ng Department of Health (DoH) at iba pang tanggapan na nangangasiwa sa pagbili ng bakuna.
Para kay Sotto, dapat maging malinaw ang options sa pag-angkat ng COVID vaccine, mula sa panig ng gobyerno o maging sa mga nasa pribadong sektor.
Sa panig naman ni Sen. Francis Tolentino, ang pinagbabasehang patakaran ng Food and Drug Administration (FDA) ay sila din lang naman ang gumawa, kaya hindi mahirap na gumawa ng adjustment, lalo na ngayong panahon ng emergency.
Pero giit ni FDA acting head Usec. Eric Domingo, ang mga paghihigpit ay ginawa nila para matiyak na tama at ligtas na bakuna ang magagamit ng ating mga kababayan.
Dahil sa mga nakabinbing tanong, magtatakda na lang ng panibagong hearing sa mga susunod na araw, bago ang pagsisimula muli ng regular na sesyon sa Enero 18, 2021.
















