-- Advertisements --

Sa mismong unang araw pa lamang ng pagdinig, pormal nang naglabas ng subpoena ang House Committee on Justice upang pwersahang ipasumite ang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni VP Sara Duterte, pati na ang record ng imbestigasyon kaugnay sa umano’y pagbabanta nito sa buhay ng Unang Pamilya.

Sa botong 34 na pabor, isang tutol, at walang abstention, pinagtibay ng komite ang mosyon ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairperson at Manila Third District Rep. Joel Chua.

Layon ng mosyon na mag-isyu ng subpoena duces tecum sa Office of the Ombudsman, na siyang opisyal na nag-iingat ng mga nasabing dokumento.

Saklaw ng subpoena ang mga SALN ni Duterte noong siya ay alkalde pa ng Davao City mula taong 2007 hanggang 2013 at 2016 hanggang 2022, pati na ang kanyang kasalukuyang SALN bilang bise presidente mula 2022 hanggang 2025.

Isinagawa ang hakbang na ito kasabay ng pagdinig ng komite upang tukuyin kung mayroong probable cause ang kinakaharap na impeachment complaint ng Pangalawang Pangulo.

Bukod sa yaman ng bise presidente, inaprubahan din ng komite sa pamamagitan ng voice vote ang pagpapalabas ng hiwalay na subpoena duces tecum na nakadirekta naman sa National Bureau of Investigation (NBI).

Inaatasan ng mga mambabatas ang NBI na ilabas ang lahat ng record ng kanilang imbestigasyon ukol sa viral na video kung saan napanood at narinig si Duterte na nagbitiw ng death threat laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.