CAUAYAN CITY – Bumalik ang mga raliyista sa mga lansangan sa Hongkong.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Elena Jermice, isang vlogger sa Hongkong, sinabi niya na nang malaman ng mga raliyista na COVID free na ang Hongkong ay muli silang nagsagawa ng rally.
Aniya, madalas nilang puntahan ang mga lugar na may gusali ng kanilang pamahalaan.
Gayunman, hindi sila nananakit basta huwag lamang silang pakikialaman.
Kabilang sa kanilang mga demand ay ang ganap na pag-urong sa extradition bill na pinagbigyan na ng pamahalaan ng Hongkong, ang mga inaresto na raliyista ay huwag kasuhan ng riot dahil ang mga nakakasuhan ng riot ay makukulong ng sampong taon, gusto nilang maimbestigahan ang mga pulis na sangkot sa brutality, mabigyan ng amnestiya ang mga protesters, at magkaroon sila ng kalayaan.
Ayon kay Jermice, mas maayos na ngayon ang pangangasiwa ng pamahalaan ng Hongkong sa mga nagrarally dahil naglatag sila ng mga linya na dapat huwag lalagpas ang mga raliyista para hindi sila makasuhan.
Samantala, sinabi pa ni Jermice na magbubukas na ang mga pribadong paaralan sa araw ng Miyerkules sa Hongkong.