Pinatutukan na ni PNP chief Gen Guillermo Eleazar sa mga ground forces ang presensiya ng mga private armed groups (PAGs) na unti-unti na namang nagiging aktibo dahil sa nalalapit na halalan sa susunod na taon.
Ayon kay Eleazar, kahit malayo pa ang halalan kailangan nilang maging one step ahead, gagawa na sila ng hakbang para itong mga private armed groups ay hindi mamamayagpag lalo na sa panahon ng kampanya.
Ang pahayag ni PNP chief ay may kaugnayan sa pagkakasabat ng mga high powered firearms at mga bala sa grupo dating Mayor ng Talitay, Maguindanao na si Montazir Sabal na napatay matapos umanong manlaban.
Sinabi ni Eleazar na kanila nang inaalam kung sino ang supplier ng mga armas ni Sabal na kaniyang ibinibenta sa teroristang BIFF.
Iniimbestigahan na rin ng PNP kung ang mga nakumpiskang mga armas ay gagamitin na sa nalalapit na halalan.
May listahan na rin ang PNP ng mga PAGs na nagiging aktibo sa tuwing may halalan.
“Malapit na ang election period meron naman tayo na mga list of private armed groups (PAGs) and other crime groups, so minomonitor natin ng ating mga kapulisan,ngayong nalalapit na ang election, historically nagagamit talaga ang mga PAGs, kaya tuloy-tuloy yung ating effort against loose firearms, as well as the application of the search warrant para makatulong ito mabawasan ang presensiya ng mga armadong grupo,” wika ni Eleazar.