Nadagdagan ng 66 ang kabuuang bilang ng mga Pilipino sa ibayong dagat na gumaling sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 640 na mga Pinoy na ang gumaling sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa pagamutan.
Lumobo naman sa 2,178 ang mga Pinoy na kumpirmadong dinapuan ng COVID-19 mula sa 46 na bansa at rehiyon.
Sa naturang bilang, 1,285 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang mga ospital.
Nasa 253 naman ang bilang ng Pinoy ang sumakabilang buhay dahil sa deadly virus.
Nangunguna pa rin ang Europa sa mga rehiyon kung saan pinakamaraming Pinoy ang nahawaan ng sakit na may 651 na kaso.
Sumunod ang Middle East/Africa na may 616 confirmed COVID-19 positive cases, 523 ang kaso sa Americas, at 388 sa Asia Pacific Region.