-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Personal alitan ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pamamaril patay sa isang negosyante sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Rizaldy Del Pilar,39 anyos,may asawa,nagmamay-ari ng isang glass installation service store at residente ng Barangay Upper Glad 2 Midsayap North Cotabato.

Ayon kay Midsayap Chief of Police, Lieutenant Colonel John Miridel Calinga na umuwi ang biktima sa kanyang tahanan kung saan pinakain nito ang kanyang mga alagang aso at mga baboy.

Pagkatapos ay nagpahinga si Del Pilar sa duyan nang dumating ang dalawang hindi kilalang suspek at kinompronta nito ang biktima.

Nagkasagutan pa ang mga suspek at biktima na humantong sa pamamaril gamit ang kalibre.45 na pistola.

Tinangka pa na agawin ni Del Pilar ang baril ng isang suspek ngunit binaril sya ng kasama nito.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin lulan sa isang motorsiklo at on the spot na nasawi ang negosyante nang magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Midsayap PNP sa pamamaril patay sa negosyante.