Inakusahan ng United Nations Commission of Inquiry ang mga opisyal ng Israel ng genocide sa Gaza kabilang si Prime Minister Benjamin Netanyahu, na isa umano sa mga nag-udyok ng malawang patayan.
Kaugnay nito, tinawag naman ng Israel na “scandalous” at fake news ang report, at sinabing gawa lamang ito ng mga umano’y “Hamas proxies”.
Ayon kasi sa ulat, nagkaroon umano ng malawakang pamamaslang, pagpapalayas, pagharang ng tulong ng mga ayuda, at pagkasira ng mga pasilidad tulad ng fertility clinic — mga gawaing bumubuo ng apat sa limang batayan ng genocide alinsunod sa 1948 U.N. Genocide Convention.
Binanggit din sa ulat ang mga pahayag ni Netanyahu at iba pang opisyal bilang ”direct evidence of genocidal intent,” kabilang ang liham ni Netanyahu sa mga sundalo na inihambing ang operasyon sa Gaza sa isang “holy war of total annihilation” na ayon umano sa Biblia ng mga Hudyo.
Kasama sa mga pinangalanan sa ulat sina Israeli President Isaac Herzog at dating Defense Minister Yoav Gallant.
Samantala, tinutuligsa rin ng International Court of Justice sa The Hague ang Israel sa isang hiwalay na genocide case na isinampa ng South Africa.
Ayon sa Israel, depensa lamang ito laban sa pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023, na ikinamatay ng 1,200 katao at 251 ang bihag, batay sa datos ng bansa.
Gayunman umabot na sa 64,000 ang naiulat na nasawi sa Gaza, ayon sa Gaza Health Ministry, kasabay ang malawakang kagutuman sa ilang bahagi ng rehiyon ayon sa global hunger monitors.