-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Senado noong Lunes ang pag-cite in contempt sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na umano’y nagtangkang arestuhin si Senador Ronald ”Bato” dela Rosa sa loob ng Senado.

Ang naturang mosyon ay inihain ni Senador Joel Villanueva upang i-cite in contempt ang mga sangkot na ahente ng NBI at ilagay sila sa kustodiya ng Senado. Na agad namang inaprubahan ng mayorya.

Ayon kay bagong Senate President Alan Peter Cayetano, inatasan niya ang Office of the Sergeant-at-Arms na ilagay sa kustodiya ng Senado ang mga naturang indibidwal.

Dagdag pa ni Cayetano, maaari silang humingi ng tulong sa Philippine National Police sa Pasay City upang maipatupad ang kautusan hanggang makapagbigay ng paliwanag ang mga ahente.

Batay sa kuha ng CCTV, makikitang mabilis na tumakbo si dela Rosa papunta sa plenary hall ng Senado upang maiwasan umano ang pag-aresto ng mga humahabol na ahente ng NBI na nakasibilyan.

Dumalo si dela Rosa sa sesyon na may sugat at dugo sa kaliwang daliri. Sa plenaryo, naging emosyonal pa ang senador habang ikinukuwento ang insidente at ang umano’y pagtatangka ng mga ahente na pigilan siyang makapasok sa gusali ng Senado.

Samantala, sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na may hawak umanong kopya ng arrest warrant mula sa International Criminal Court ang NBI laban kay dela Rosa kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang unang pagdalo ni dela Rosa sa Senado mula noong Nobyembre 11, 2025. Batay sa attendance sheet ng Senado, absent siya nang 31 plenary sessions.