BAGUIO CITY – Patuloy na tinitiis ng ilang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa India ang epekto ng COVID-19 crisis.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Armando Eduarte, merchandising manager ng isang furniture shop sa Mumbai, India, sinabi niyang maraming OFWs doon ang temporaryong natigil sa pagtatrabaho dahil sa pagsara ng mga kompanya at negosyo.
Aniya, magdadalawang buwan na itong hindi sumasahod dahil sa ipinapatupad na “no work no pay”.
Ipinaliwanag niyang mas pinili niya at ng iba pang OFWs na manatili muna sila sa India kahit nawalan sila ng trabaho dahil naniniwala ito na mas lalo silang magdurusa kung uuwi sila ng Pilipinas lalo na’t wala silang inaasahang trabaho dito sa bansa maliban pa na kailangan nilang sumailalim sa quarantine.
Dahil dito, sinabi ni Eduarte na matiyaga nilang hihintayin na bumuti ang sitwasyon sa India at umaasa sila na maipagpapatuloy ang kanilang trabaho kapag nagbalik na ang operasyon ng mga kompanya.