-- Advertisements --

Nais si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na ipa-deport ang dalawang negosyanteng Chinese na nagbebenta ng mga beauty products na mayroong address na isang probinsiya ng China ang Maynila.

Isko moreno mask
Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso

Matapos na dumating sa kaniyang kaalaman ay agad na ipinasara ng alkalde ang nasabing establisyemento na nagbebenta ng beauty products.

Napag-alaman na dalawang Chinese at tatlong Filipino ang may-ari ng umano’y “misrepresentation product.”

Ayon sa alkalde na kanilang pinapayagan ang mga negosyante mula sa ibang bansa sa lungsod subalit dapat ay huwag lamang silang gumawa ng anumang kalokohan.

Ilan sa mga nakitang paglabag ay ang walang permit mula sa Food And Drugs Administration ang nasabing establisyemento.

Nakikipag-ugnayan na raw si Mayor Isko sa Bureau of immigration na ipa-deport ang nasabing mga Chinese nationals dahil sa maituturing din ang mga ito bilang “undesirable aliens.”

China beauty product

Magugunitang nag-trending sa social media na kinondina rin ng ilang mambabatas ang nasabing beauty products na may nakasulat na ang Maynila ay probinsiya ng China.

“Dalawang Chinese nationals (ay nag-ooperate ng business establishment). Akin pong gagawin ay susulat sa Bureau of Immigration to deport and declare these two Chinese nationals as undesirable aliens,” ani Domagoso. “Hindi po ito katanggap-tanggap sa akin bilang Pilipino, bilang Manileño. Hindi po natin papayagan ito. Ang Binondo ay bahagi po ng Maynila at ang Maynila ay bahagi Pilipinas. Ang maynila ang kapitolyo ng bansa, hindi po ito probinsya ng China; at ni minsan, hindi ito naging bahagi ng Tsina sa anumang lathalain o kasaysayan na naitala sa panahon natin at panahon ng ninuno natin.”