Hinimok ni Comelec Spokesman James Jimenez ang mga namatayan ng kaanak ngayong panahon ng COVID-19 pandemic, na i-report sa kanilang tanggapan ang pagpanaw ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay Jimenez, sa pamamagitan ng direktang pagpapakansela ng mga pangalan ng mga nasawi, mas madaling malilinis ng poll body ang hawak nilang voter’s list.
Ang naturang pahayag ay inilabas ng opisyal, dahil sa pangamba ng isang internet user na baka magamit pa rin ng mga mandaraya ang pangalan ng kaniyang ina para sa darating na halalan.
Matatandaang dati nang inirereklamo ng ilang botante ang pagkakasama pa rin ng namatay sa voter’s list, at kung minsan ay nalalagyan pa ng marka na nakaboto ang mga ito kahit patay na.
Kaugnay nito, nanawagan ang komisyon sa publiko na agad i-report sa kanila ang mga iligal na aktibidad, lalo na ang tungkol sa paggamit ng mga patay para makalamang ang ilang kandidato.