-- Advertisements --

Inaasahang haharap sa pagdinig ng House Committee on Justice ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno at iba pang resource persons sa pagpapatuloy ng pagbusisi sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Miyerkules, Abril 22, 2026.

Ayon kay Justice Committee Chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, kabilang sa iimbitahan sina Ombudsman Jesus Crispin Remulla, dating Senador Antonio Trillanes IV, mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), at iba pa upang magbigay-linaw sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente.

Layunin ng pagdinig na suriin ang umano’y biglaang paglobo ng yaman ni Sara Duterte at ang isyu ng hindi umano tamang pagdedeklara sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), na maaaring pumasok sa kasong “betrayal of public trust.”

Inaasahang magpapresenta si Remulla ng mga kopya ng SALN ng Ikalawang Pangulo mula sa iba’t ibang taon, habang si Trillanes naman ay magbibigay ng testimonya kaugnay ng kanyang mga naunang alegasyon hinggil sa umano’y nakatagong yaman ni VP Sara at ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasama rin sa mga inimbitahan si suspended Overall Deputy Ombudsman Melchor Carandang, gayundin ang mga opisyal ng AMLC upang ilahad ang umano’y kahina-hinalang bank transactions ni Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.

Inaasahan ding dadalo ang isang opisyal mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang magbigay ng impormasyon kaugnay ng income tax returns ng mag-asawa.

Binigyang-diin ni Luistro na layunin ng pagdinig na matukoy kung may sapat na “probable cause” upang umusad ang impeachment case laban kay Vice President Duterte.