-- Advertisements --

Ikinuwestiyon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang Department of Education (DepEd) dahil sa umano’y kawalan ng konsultasyon sa planong paglipat sa trimestral school calendar na target ipatupad sa School Year 2026–2027.

Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni ACT chair Ruby Bernardo na wala silang natanggap na imbitasyon o abiso mula sa DepEd at sila pa ang kusang lumapit para makipag-usap tungkol sa reporma.

Giit ng mga mambabatas, mahalaga ang malawak na konsultasyon dahil direktang maaapektuhan ang mga guro at estudyante sa pagbabago ng academic calendar.

Ayon kay Bernardo, posibleng magdulot ng dagdag-pasanin sa mga guro ang biglaang shift, lalo na’t kasabay nito ang iba pang curriculum adjustments sa K-to-12 system.

Sinabi naman ng DepEd na patuloy pang nirereview ang plano, kahit na naaprubahan na ang bagong school calendar structure para sa mas maayos na learning flow. ( report by Bombo Jai)