-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Daan-daang empleyado ng provincial government ng Isabela ang sumailalim sa nagpapatuloy na flu vaccination na pinangunahan ng Isabela Provincial Health Office.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nag-umpisa ang pagmamahagi ng libreng bakuna ng noong July 13, 2020, araw ng Lunes na isinasagawa sa Isabela Provincial Capitol.

Alinsunod sa inilabas na resolusyon number 2020-19-2 ng Sangguniang Panlalawigan nakapaloob sa naturang resolusyon ang paglalaan ng pondo sa pagbili ng mga bakuna para matiyak na nasa magandang kondisyon at maayos na kalusugan ang mga empleyado ng pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Health Officer Dr. Nelson Paguirigan, sinabi niya na prayuridad umano sa nasabing vaccination ang mga nasa health sector na siyang pangunahing nangangasiwa sa paglaban ng probinsiya sa COVID 19.

Inihayag pa ni Dr. Paguirigan na nasa dalawang libo na mga flu vaccine ang binili ng provincial government at nabigyan din umano ang ilang City at Municipal Health Office sa Isabela.