-- Advertisements --

Matapos ang ilang oras na pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments sa “economic” Charter change (Cha-cha), maugong ngayon ang katanungan kung talaga bang kailangan itong isulong sa gitna ng pandemya.

Sa kanilang pagharap nitong umaga sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. sinabi nina Dr. Gerardo Sicat at Dr. Raul Fabella, na kapwa professor emeritus ng UP School of Economics, at dating NEDA Sec. Ernesto Pernia, na magandang pagkakataon na isulong ang amiyenda sa economic provisions ng Saligang Batas dahil sa bagsak ang ekonomiya ng bansa bunsod ng COVID-19 pandemic.

chacha

Ayon kay Sicat, ang restrictions sa economic provisions ng 1987 Constitution ay malaking sagabal para maka-usad nang husto ang bansa.

Sinabi naman ni Fabella na dapat gawing foreign investment friendly ang Pilipinas gaya na lamang ng mga kalapit na bansa sa Asia.

Para naman kay Pernia, napag-iiwanan na ang Pilipinas dahil hindi inclusive ang paglago ng ekonomiya dahilan kung bakit hindi rin nababawasan ang kahirapan.

Pero iba naman ang pananaw ng non-profit research, education and information-development institution na IBON Foundation.

Ayon kay Rosario Guzman, executive director at head ng Research Department ng IBON Foundation, hindi dapat galawin ang economic provisions ng Saligang Batas.

Mas mainam aniya kung magkaroon na lamang ng “meaningful fiscal stimulus” para tugunan ang pandemya dahil mas mabilis na maramandaman ang epekto nito.

Pero kagaya ng mga kapwa niya kongresista, iginiit ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda na panahon na para amiyendahan ang mga restrictive economic provisions na ito ng Saligang Batas dahil ang Pilipinas ang isa sa mga bansa na may mahigpit na restrictions pagdating sa foreign direct investments.

Sa halip aniya na hayaang mapunta ang labor force ng bansa na magpunta sa ibayong dagat, dapat ay hikayatin ang mga foreign investments na pumasok sa Pilipinas upang sa gayon ay magbukas din ito ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Samantala, kinumpirma naman ni Garbin na umuupo na bilang constituent assembly (Con-Ass) ang kanyang komite.

Pero ang three-fourths vote na required sa ilalim ng Saligang Batas ay maari lamang ipatuad pagsapit ng ikatlo at huling pagbasa.

Kinontra naman ito nina Albay Rep. Edcel Lagman at vice chairman Antonio “Tonypet” Albano, sa pagsasabi na hindi maaring mag-convene bilang Con-Ass ang komite ng Senado at Kamara.

Itinutulak naman nina Lagman at Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang joint voting ng Kongreso para sa economic Cha-cha.

Ayon kay Marcoleta, hindi sinasabi ng Saligang Btas kung separately o jointly ang paraan nang pagboto sa pag-amiyenda sa Konstitusyon.

Sinabi naman ni Lagman na may ruling na ang Korte Suprema noon pang 1967 kung saan sinasabi na ang mga senador at kongresista na nagsusulong ng amiyenda sa Saligang Batas ay hindi miyembro ng Kongreso kundi ng Con-Ass kaya jointly dapat ang botohan at hindi magkahiwalay.