Ipinag-utos ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na i-account ang lahat ng na-dismiss na illegal drug cases ng PNP simula noong 2016 na bahagi ng kaniyang programa ang intensified cleanliness policy.
Nagbabala rin si Eleazar sa mga pulis na isinasadyang ipatalo ang mga kaso sa illegal drugs na mananagot ang mga ito at kaniyang sisiguraduhin na matanggal sila sa serbisyo.
Giit ni Eleazar, mas masasabi aniyang tagumpay ang kanilang anti-illegal drug operation kung mataas ang conviction rate o naipakukulong ang lahat ng mga suspek.
Kamakailan lamang nabasura ang kasong illegal drugs ng PNP laban kay FlipTop rapper Loonie o si Marlon Peroramas sa totoong buhay dahil sa hindi maayos na paghawak ng mga pulis ng ebidensiya o chain of custody.
Si Loonie at iba pang kasamahan nito ay nahulihan ng 15 sachet ng high grade marijuana na nagkakahalaga ng P100,000 sa isang hotel sa Makati noong September 2019.
Binigyang-diin ni PNP chief, kailangan aniyang matiyak na malakas ang ebidensya sa mga kasong kanilang isasampa kaya’t marapat lamang na alamin ang puno’t dulo at kung saan nagkamali ang mga pulis kaya ito ibinabasura ng korte.
Nais ding malaman ni Eleazar kung sinu-sino ang mga pulis na posibleng nakikipagsabwatan sa mga akusado kaya’t humihina ang ebidensya hanggang sa tuluyang ma-dismiss ang kaso.
Batay sa datos mula 2016 kung kailan inilunsad ang war on drugs, aabot na sa mahigit 289,000 drug suspeks ang naaresto ng mga otoridad mula sa mahigit 2,600 sa isinagawang operasyon.