-- Advertisements --

Pinawi na naman ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na nagkaroon ng iregularidad sa halalan noong Mayo 9.

Sinabi ni Atty. Vann dela Cruz, spokesperson ng PPCRV, 100 percent daw kasing match o tugma ang datos mula sa mga election returns (ERs) na natanggap at sinuri ng PPCRV at mga numero na galing sa transparency media server.

Ani dela Cruz, ito ang lumabas sa kanilang pagsuri sa 16,820 na kopya ng election returns.

Ang mahigit 16,000 kopya ng ER na sinuri ng PPCRV ay bahagi ng 24,640 na ER na natanggap nila kahapon.Galing ito sa Metro Manila, Pangasinan, Ilocos Norte, Sorsogon, Laguna, Cavite, Bulacan, Rizal at Misamis Occidental.

Hinikayat naman ni dela Cruz ang mga interesadong partido na kumukuwestiyon na mayroong irregularities sa halalan ay puwede naman silang makipag-coordinate sa poll watchdog at handa nilang ibigay ang data.

Aniya, bago makarating sa cyberspace ay mayroon nang walong pre-transmission copies ang naimprenta at ang PPCRV ay entitled na makatanggap ng ika-apat na kopya na dinala ng kanilang volunteers nationwide sa PPCRV command center para sa validation.

Umapela naman si Dela Cruz sa mga kritiko na isipin ang pagsisikap ng mga PPCRV volunteers na literal umanong tumatawid sa mga ilog at bundok para ligtas na madala ang mga ERs sa command center.

Kagabi ay mayroon nang kabuuang ERs na 106,008 o 98.35 percent mula sa 107,785 clustered precincts ang nai-transmit at nabilang base sa transparency server ng PPCRV.