-- Advertisements --

CAUAYAN CITY-Dumarami na ang mga mamamayang bumibili ng mga bulaklak sa mga flowershop ilang araw bago ang nakatakdang pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo at columbarium sa Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo cauayan kay Ginang Jocelyn Rumbaoa, may-ari ng isang flowershop, sinabi niya na noong araw pa ng Sabado nagsimulang dumami ang mga namimili ng bulaklak.

Marami na rin aniya ang nagpapa-reserve ng flower arrangement na inilalagay sa mga puntod.

May ilang mamimili rin ang nagpapagawa ng flower boquet na purong rosas na inilalagay din sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Umaasa si Ginang Rumbaoa na mahihigitan nila ang kanilang kita noong nakaraang taon.

Samantala sa kabila ng maulan na panahon ay marami na ang pumapasyal sa mga puntod ng kanilang mga namayapa nang mahal sa buhay.

Ayon sa ilang nakapanayam ng Bombo Radyo Cauayan pinili nilang magtungo nang mas maaga para makaiwas sa maraming tao.

Magugunitang ipinagbawal ang pagtungo ng mga mamamayan sa mga sementeryo at columbarium simula October 29, 2020 hanggang November 4, 2020 para maiwasan ang hawaan sa COVID-19 sa mga magtutungo sa mga pook libingan.