-- Advertisements --

Lumobo pa sa mas mataas na bilang ngayon ang mga kabataang nahuhumaling sa online gambling.

Kaya naman, nais paimbestigahan ni House Deputy Speaker Bienvenido Abante Jr. sa Kamara ang pagdami ng online cockfighting o e-sabong, online bingo, virtual casino at iba pang uri ng sugal sa internet.

Paliwanag nito, hindi na namo-monitor ang mga edad ng mga sumasali sa game, legal man ito o illegal, dahil open sa lahat ang naturang mga sugal.

Giit nito, ang internet ay nag-aalok ng access at pagtatago ng pagkakakilanlan ng mga sugarol, kung saan dapat na bantayang mabuti ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil ang mga ito ay computer literate.

Dahil online o digital currency ang gamit sa pagpusta, marami umano ang nalululong sa bisyong at nababaon sa utang.

Desidido ang opisyal na i-regulate ang e-sabong at e-bingo upang maiwasan na malulong din ang mga kabataan dahil tulad rin ito ng virus na sumisira sa buhay ng marami.