Puamalo na sa 748,379 katao o katumbas ng 217,012 pamilya ang apektado ng magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Bogo City, Cebu noong Setyembre 30, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Batay sa tala ng NDRRMC, 1,324 na pamilya o 5,170 katao ang patuloy na nanatili sa 19 evacuation centers.
Naitala din ang 79 na mga nasawi at 559 sugatan, bagama’t kasalukuyan pang bineperipika ang mga tala ng ahensya.
Kaugnay nito mayroon nang 12,704 aftershocks mula nang tumama ang lindol. Nasa 134,224 na bahay din ang napinsala kung saan 126,928 ang bahagyang nasira at 7,296 ang tuluyang nawasak.
Tinataya namang aabot sa P6.76 million ang pinsala sa imprastraktura sa Region 7, kabilang ang 11 kalsada at 25 tulay na naapektuhan, kung saan apat na kalsada at 11 tulay ang nananatiling hindi pa madaanan.
Samantala umabot na sa P464.78 million ang naipamigay na tulong ng pamahalaan para sa mga apektadong pamilya, ayon sa NDRRMC.