Dapat umanong imbestigahan ng mga mambabatas na namumuno sa human rights committees ng Senado at Kamara ang mga alegasyon ng self-confessed hitman mula sa kontrobersiyal na Davao Death Squad laban sa mag-amang Duterte na isinasangkot sa mga pagpatay sa Davao city.
Ayon kay Cristina Palabay, secretary-general ng Karapatan na kailangan ng 2 kapulungan ng Kongreso kasama na ang Commission on Human Rights na seryosong imbestigahan ang mga alegasyon ng retiradong pulis na si Arturo Lascañas na kapwa may kinalaman umano sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara Duterte sa drug war killings sa Davao city at umano’y maging sa buong bansa.
Saad pa ni Palabay na sa paglantad ng ilang whistleblower tulad ni Lascañas kaakibat ng kanilang mga rebelasyon, dapat aniyang pairalin ng human rights commission ng gobyerno at congressional human rights committees ang kanilang mga mandato na usigin ang ugat ng mga pagpatay may kinalaman sa iligal na droga sa ilalim ng termino ng nakakatandang Duterte mula ng alkalde pa ito ng Davao hanggang sa maging Pangulo ng bansa.
Para aniya sa kapakanan ng libu-libong mga biktima, dapat na panagutin sa batas ang mga Duterte.
Sa panig naman ni VP Sara, sa kaniyang inilabas na statement ngayong araw muling niyang iginiit na ni minsan hindi nadawit ang kaniynag pangalan sa umano’y mga insidente ng pagpatay o extrajudicial killing sa Davao, Oplan Tokhang at sa Davao Death Squad noong Bise-Alkalde at Alkalde pa lamang siya ng Davao city.
Subalit ngayong Bise Presidente na siya ay biglang may tumestigo na sangkot umano siya sa mga drug-related killings at kabilang na ngayon sa mga akusado sa ICC. Malinaw aniyang sadyang pinilit na idawit ang kaniyang pangalan sa naturang isyu para maging akusado sa ICC.
Kaugnay nito, hinamon ni VP Sara ang mga nasa likod ng mga alegasyon laban sa kaniya na maghain ng kasong murder dito sa Pilipinas.