-- Advertisements --

Tataas ang bayarin sa kuryente ng mga customer ng Manila Electric Company (Meralco) simula Setyembre matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pag-pasa sa consumers ng mahigit P4 billion na gastos kaugnay ng gas power plant na konektado sa isang affiliate nito.

Ayon sa ERC, pinayagan ang Meralco na singilin ang mga customer nito para sa hindi nabayarang fixed fees sa power supply agreement nito sa kumpanyang Excellent Energy Resources Inc. (EERI), na umaabot sa P3.67 billion at $6.37 million (humigit-kumulang P381.7 million).

Katumbas ito ng dagdag na P0.1099 kada kilowatt-hour (kWh), na sisingilin sa loob ng 12 buwan.

Dahil sa kasalukuyang mataas na presyo ng kuryente inilipat ng ERC ang pagsisimula ng singil sa Setyembre 2026.

Ang EERI ang operator ng 1,275-megawatt na gas plant sa Batangas na bahagi ng joint venture ng Meralco at mga partner nito.

Bagama’t pinayagan na ang commercial operation date ng planta, hinihintay pa rin ang ilang regulatory certificates.

Ang Meralco, na nagsu-supply ng kuryente sa mahigit 8.2 milyong customer sa Metro Manila at karatig-probinsiya, ay nakapagtala na rin ng pagtaas ng singil ngayong Abril dahil sa mas mahal na generation cost at paghina ng piso.