Ilang araw lamang matapos mamaalam ang American pop-country singer na si Kenny Rogers sa edad na 81, nagluluksa naman ang mundo ng local showbiz sa pagpanaw ng beteranong actor na si Domingo “Meng” Cobarrubias.
Batay sa impormasyon, pasado alas-8:00 kaninang umaga lang nang sumakabilang-buhay si Meng sa edad na 68 dahil umano sa komplikasyon sa pneumonia habang nasa Asian Hospital sa Alabang.
Nabatid na nagpa-test din ang aktor sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pero hindi pa nailalabas ang resulta.
Sa panig naman ng kanyang misis na si Gina, panalangin nito na makayanang harapin ang pangungulila sa mister.
“Goodbye my love. Thank you for the 30 wonderful years. I love you. Dear God please give me the strength to be able to face this very difficult moment of my life.
Sa ngayon ay usap-usapan ang salitang “good bye” na siyang huling post ni Meng sa kanyang Facebook kagabi.
Kabilang sa mga pelikula nito sa loob ng mahigit tatlong dekada ay ang “Mauban: Ang Resiko” noong 2014 kung saan siya ay naging best actor sa QCinema International Film Festival, “Jaguar” noong 1980 kung saan iginawad sa kanya ang Urian Best Supporting Actor award, “Mater Dolorosa” (2012), “Impostor” (2010), at “Eerie” (2018).
Lumabas din ito sa ilang TV series gaya ng “The Killer Bride,” “Wagas” at ang “Beautiful Justice” kung saan siya gumaganap bilang President Ricardo San Jose.